Ang Pinoy Dyipni: Hari ng Kalsada
Kung bibisita ka sa Pilipinas, lalo na sa mga progresibong lungsod katulad ng Maynila, imposibleng hindi mo ito mapapansin: ang makulay at mapalamuting Pinoy dyipni. Matatagpuan lamang sa Pilipinas, tinawag itong “Hari ng Kalsada” dahil ito ang pinakasikat na pampublikong sasakyan sa bansa.
Itinuturing bilang isang simbulo ng kulturang Pilipino, nagsimula ang paggawa ng mga Pinoy dyipni taong 1945 noong katatapos lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa pangmalawakang problema noon sa transportasyon, binago ng mga Pilipino ang istilo ng mga dyip na dinala ng mga Amerikanong sundalo. Pinahaba nila ang mga sasakyang ito upang magkasya ang sampu hanggang dalawapu’t limang pasahero. Nilagyan din nila ang mga ito ng mga bukas na bintana at permanenteng bubong bilang proteksiyon sa mainit na araw sa Pilipinas. Samakatuwid, ang Pinoy dyipni ay naglalarawan ng galing sa paglikha, pagiging madiskarte at matatag ng mga Pilipino.