Elmer Francisco - Chairman of Francisco Motors at ABS-CBN News TV Patrol with Alvin Elchico; March 13, 2023
Lucena City po ang ground zero kung saan magsisimulang umarangkada ang tunay na “HARI NG KALSADA” ang modernisado ngunit iconic designed paring Francisco Electric Jeepney. Ginagawan po natin ng paraan upang lalong bumaba ang presyo ng ating electric jeepney at lalo pang mapagaang ang monthly amortization ng ating mga jeepney operators na kaya nilang bayaran mula sa kanilang kita at may maiuuwi pa silang kita upang tustusan ang mga pangangailangan ng kani-kanilang mga pamilya.

Hindi po tayo papayag na lamunin tayo ng buhay ng mga dayuhan pagdating sa pagmomodernisa ng sariling atin na tunay na jeepney at hindi ito dapat mapalitan ng mini-bus. Bahagi na po ng ating kultura at kasaysayan ang jeepney.

Hindi rin po tayo papayag na mawalan ng kabuhayan o trabaho ang ating mga manggagawang Pilipino. Ang mga Pinoy po ang pinakamagagaling gumawa ng tunay na jeepney sa buong mundo, bakit natin ipapagawa sa ibang bansa?

Panahon narin pong gumamit tayo ng makabagong teknolohiya tulad ng electric jeepney para hindi na po tayo aasa sa lumang teknolohiyang Euro 4 o Euro 5 diesel na pinaglumaan na po ng mga mauunlad na bansa. Hindi narin po tayo magpapakahirap dahil sa patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo na lalong nagpapahirap sa ating mga kababayan.

Oras narin po para sa pambansang industriyalisasyon kung saan ay maaari po tayong gumawa ng sarili nating mga sasakyan at balang araw ay tayo naman po ang mag-export. Magagaling po ang mga Pinoy basta’t magsamasama at magtulungan. Sana lang po ay suportahan ng sarili nating gobyerno ang mga lokal na manufacturers.

Maraming salamat po! 

Video Credit: ABS-CBN News, TV Patrol, Alvin Elchico; March 13, 2023

#jeepney #franciscojeepney #jeepneymodernization #dotr #francisco